REAKSIYON SA MGA SANAYSAY NI GAT JOSE RIZAL

Sunday, May 08, 2005

The Indolence of the Filipinos

Sa sanaysay na “The Indolence of the Filipinos”
nagbigay si Jose Rizal ng malawak na pagtalakay at
malalim na pagsusuri sa usaping indolensya ng mga
Pilipino. Ang pagsuri niya sa usaping ito ay nagsimula
sa obdyektibo niyang pagtanggap sa katotohanang
umiiral nga ang indolensya sa bansang ito. Mahalaga
rin ang paggamit niya ng historical approach para
lubusan niyang masuri ang pinagmulan at dahilan ng
pagpapatuloy ng kaugaliang nabanggit. Ipinahayag niya
rin ang kanyang pananaw kung paano mabibigyang lunas
ang suliraning ito, patunay ng kaniyang maigting na
pagnanais na maibangon ang sambayanang nilalait at
inaalipusta ng mga banyagang mananakop.

Tinalakay niya kung paano nagsimulang magkaroon ng
ugaling hindi mapagsikap ang mga Pilipino ngunit
nagbigay ang may-akda nang patunay na hindi sadyang
ganito ang mga katutubo, na siyang pinatutunayan ng
maunlad na buhay, kultura at sistemang panlipunan ng
mga naninirahan sa Pilipinas bago pa man dumating ang
mga mananakop. Sa kabuuan, mahahati sa dalawang
pangunahing kategorya ang malakas na puwersang
tumutulak sa pagpapatuloy ng kaugaliang ito. Una ay
ang tropikal na klima at pangalawa, ang mapagsamanta
at maling halimbawa o turo ng mga mananakop.

Ipinapahayag ni Rizal na ang indolesyang ipinaparatang
ng mga dayuhan ay siyang dahilang kung bakit
nagpapatuloy ang lahing Pilipino kung kaya’t hindi
natin agaran at buong masasabi o matatawag na
indolensya ang pagpapahinga sa ganitong uri ng klima
na talaga namang humihingi nito sa sino mang gumagawa
sa ilalim ng araw. Kumbaga, isa itong halibawa ng pag
“adapt” o pag-angkop ng sarili sa kapaligiran upang
masiguro ang kaligtasan. Sa bahaging ito rin ng
sanaysay, nailarawan kung kanino at paano nagsimula
ang pananaw na tamad ang mag Pilipino, at dito
nagbigay nang mga halimbawa si Rizal na nagpapakita
kung sino nga ang tamad o hindi. Lumalabas na ang mga
dayuhang pumupuna ay higit pang tamad sa pinupuna at
iniinsultong indio..Sa aking palagay, tama lang
sabihin na nasasalamin ng katotohanang ito na tunay
ngang hindi naiiintindihan (marahil, dahil sa kawalan
ng intensyon) ng mga nananakop ang bansang nasa ilalim
ng kanilang kapangyarihan at kung gayon ay
maituturing nga na wala silang marangal na interes
para sa lahing kayumanggi sa simula pa man.


Samantala, kung ihahambing sa naunang dahilan, ang
mapagsamantalang pamamalakad ng mga dayuhang Kastila
kung saan malimit nilang pinapaikot ang mga Pilipino
sa kanilang mga palad upang makamit nila ang kanilang
mga ninanais ay siyang malakas na puwersa at tunay na
dahilan ng paglaganap ng indolensya sa bansa. Sa
ikalawang, pagkakataon, sa aking palagay naging “means
of survival” ng mga indio ang pagyakap sa ugaliang
tinutukoy ng mga mananakop bilang indolensya. Sa isang
lipunan kung saan ang material na bunga ng pagsisikap
ay nagiging dahilan ng kapahamakan ng huli, lumalabas
na ang pagsusumikap nang isang mamamayan upang
mapabuti ang kaniyang materyal na kundisyon ay para
bang nangangahulugan rin ng kusa niyang paghukay ng
kaniyang sariling libingan. Sa ganitong pagkakataon,
naging napakahirap sa mga Pilipino na mapagbuti at
malinang nang husto ang kaniyang sarili, dahil sa
nakaambang panganib dala ng ng mga tulisan at mga
Kastilang gahaman sa material na pag-aari kung kaya’t
ang dating mahusay at mapagsumikap na katutubong
Pilipino ay nananatili na lamang sa kanyang tahanan
upang umiwas sa kapahamakan, kung kaya’t nagpatuloy
aang Pilipino bilang isang lahing umuunlad ng paurong.


Bukod sa usaping pang-eknomiya, malaki ang kinalaman
ng relihiyon sapagkat tinuturo ng mga kura na hindi
mapupunta ang mga mayayaman sa langit, sa aking
palagay, hindi aksidente o inosenteng pagkakamali ito
sa parte ng mga pari. Maaaring pinapalaganap nila ang
turong ito (nang walang kaakibat na ibayong pag-iingat
upang hindi maipagkamali ang kahulugan) sa pag-asang
magiging dahilan ito na mas madali o mas madalas na
pagpaposk ng pera sa simbahan sa pamamagitan ng limos.
Ngunit, katulad sa maraming pagmamanipula ng mga
prayle, hindi umayon dito ang resulta sapagkat
maraming katutubo ang umayaw na magsikap dahil wala
ring dahilan ng pagpapayaman kung mapupunta di rin
lang sila mapupunta sa langit.. Maliwanag dito kung
paanong simula pa man ay ginagamit ng “state
apparatus” ang relihiyon upang mapagsilbihan ang
interes ng pamahalaan at praylokrasya. Kung maingat na
titingnan, lumalabas na ang mga dayuhang kastila ang
nagpa[aybong sa ugaling lubos nilang inaayawan sa mga
indio.

Sa kadahilanang nawawalan na lakas na gumawa ang
indio, kasama ng pagkawala ng kaniyang moral na lakas
at dignidad, unti unting nababawasan ang pakinabang sa
kaniya ng mga mapagsamantalang dayuhan, ngunit sa
kadahilanang madaling malimi ng sino man, mukhang
hindi ito sapat upang magbago ang turing ng mga
dayuhan sa mga Indio, at marahil sapat na sa kanilang
masabi na talamak na ang indolensya sa bansang ito
(kumbaga puna at insulto na lamang sa mga indio ang
maari nilang gawin) upang mapayapa nila ang kanilang
mga sarili!

Kung pag—uusapan naman ang epekto, nanguguna ang
kawalan ng motibasyon ng mga Pilipino at magkasya na
lamang na makisabay sa agos ng panahon. At kung
magkakaroon man na nagnanais na magdala o magsimula ng
pagbabago, hahayaan na lamang ng marami na ito na
lamang ang magtrabaho para sa kanila. Kung nagkakaroon
man ng kumpetisyon, madalas kesa sa hindi ay nauuwi
ito sa inggit na lalong nagpapala sa sitwasyon.
Natututo rin ang mga Pilipino na umasa na lamang sa
milagro at ang mga kabataan naman ay hindi man lang
nabibigyan ng pagkakataon na mapatunayan ang kanilang
mga sarili o mapaunlad ito. Dahil rin sa kawalan ng
pagapahalaga ang mga Pilipino sa pagiging isang bansa
natin, maraming bagay ang hindi nalulutas sa
pamamalakad ng pamahalaan at hindi rin nawawala ang
dumi ng pulitika sa bansa. Sa aking pagsusuri,
lumalabas sa pangyayaring ito na ang mga Kastila ang
ngpapayaman sa ugaling lubos nilang inaayawan sa
indio.. Malungkot isipin, ngunit ang epektong ito na
dala ng pagmamalabis ng mga mananakop ay nagpapatuloy
hanggang ngayon at tila pa lalong lumalala sa kamay ng
mga sunod-sunod na lider na kulang ang kakayahan
upang humahawak sa bansa.


Masasabing sinikap ng mga kastila na matugunan ang
lalo pang lumalang indolensya nga mga katutubo sa
pamamagitan ng pagdaragdag nang kailangang tugunan ng
mga indio, ngunit ang mga kabayarang hinihingi ng
simbahan at pamahalaan ay nagbunga lamang ng higit na
masamang epekto dahil dumami ang mga criminal. Tunay
ngang nasagad na ang katutubong indio! Ang kawalan
nila ng kakayahan na malunaasan ito kahit man klamang
ng kauntni o pansamantala ay patunay na hindi
naiintindihan ng mga Kastila ang ugat ng suliraning
ito.

Gayun pa man kahit ang “katamaran” ay itinuturing na
malalang sakit ng lipunan,kahit noon pa man, sinasabi
ni Jose Rizal na hindi naman ito namamana. Dito,
masasabi kong lumalabas ang pagiging materialist ni
Rizal, kung saaan nanaiwala pa rin siya sa kakayahang
magbago ng sitwasyon gaano man ito kahirap o kasama.

Sa banding huli, iminumungakahi ng sanaysay na
edukasyon at kalayaan ang natatanging paraan upang
magkaroon ng tunay at makabuluhang pagbabago sa
lipunang matagal na nalugmok at napaglaruan ng mga
dayuhang sumakop dito at kailangan itong pagsumikapang
baguhin ng pamahalaang Esapaña upang dumating man ang
panahon ng kanilang paglisan sa bansang ito, kahit
papano ay di niya pagsisisihan na nag-aruga siy ng
isang bansang namumuhi sa kaniya. Sa palagay ko,
ninanais ni Rizal na angh mga Pilipino ang magpatakbo
sa sariling pamahalaan sapagkat malaki ang magagawa ng
pagbibigay ng pagkakataon na mapatunayan ang sariling
kakayahan upang mabago o mawala ang indolensya sa mga
katutubo.

Matagal nang panahon na naisulat ni Rizal ang sanaysay
ngunit nananatiling angkop ang marami sa kaniyang
palagay, at ang malawak niyang pag-intindi sa
kasysayan at ang pagpapahalaga niya rito upang
malunasan o higit na maintindihan ang ano mang usapin
o suliranin ay isang bagay na dapat na maisapuso ng
lahat ng Pilipino sa panahong ito.

Ngunit, sa huli ay itinatanong ko, gaano ba kalalim
ang naiwang sugat ng karanasang ito sa ating pagkatao
upang magpatuloy ang maraming negatibong ugali kahit
pa sa panahong mayroon na tayong pagkakataon na
magpalakad na ating sariling pamahalaan?

Marahil, may dalawa ngang mukha ang salamin sa simula
pa lamng ng pananakop. Ang isang mukha, yaong sa
katutubo, ang indiong naghahangad ng pagbabago at
naipit lamang sa dikta ng lipunan kung kaya’t bumagal
ang pag-usad ng pag-unlad nito. Ang sa kabila, yaong
sa mananakop. Ngunit huwag kang magugulat kung
kayumanggi ang balat ng isang ito. Nagpalit lamang ng
mukha, ng lahi sapagkat ang dating Kastilang
mapang-api ay nasa katawan na ngayon ng Pilipinong
nagpapahirap sa sariling bayan.

Sa kabuuan, mahalaga ang natutunan ko-- hindi
nagtatapos ang pagbabagong hinahangad ng mga indio ng
lisanin ng mga Kastila ang bansa, bagkos dito
nagsimula ang tunay na hamon patungo sa pagbabago.
Naisip ko rin na ang pananakop ay hindi lamang usaping
pang-teritoryo o ekonomiya, higit itong mas kumplikado
at ang impluwensyang dala ng mga mananakop ay mahigpit
na kumakapit sa ating kamalayan at nagpapatuloy sa
ating kultura at pamumuhay. Hindi ko itinatanggi na
mayroong kabutihang naidulot ang pananakop sa atin,
ngunit ang mga negatibong dulot ng pang-aabuso ay
patuloy na umaalingawngaw sa buong kapuluan ilang
daang taon man ang nakalipas. Ngunit, kung ang bawat
isa ay tila isang pader na tumatangging muling
patunugin ang alingawngaw sa panahong dumapo ito sa
kanya, may pag-asa akong hihina at hihina din ang
alingawngaw na ito, hanggang sa tuluyang mawala.

The Philippines A Century Hence

Sa sanaysay na ito ni Rizal ay sinikap niyang gawan ng isang edukadong hula ang magiging kapalaran ng Pilipinas sa loob ng isang daan taon. Sinabi niya dito base sa kasalukuyang kalagayan ng Pilipinas noon na dalawa lang ang pwedeng patunguhan ng Pilipinas. Una, magiging bahagi ng Espanya ang Pilipinas. Isang kolonya ng mga Espanyol na binibigyan ng respeto at pantay na kalayaan. Pangalawa, puputulin ng Pilipinas ang kanyang relasyon sa Espanya sa pamamagitan ng marahas at radikal na paraan.

Ang unang ibinanggit na kapalaran ay posibleng mangyari. Pero ito ay mangyayari lang kung papaya gang mga banyaga na bigyan ng pantay na kalayaan ang mga indio upang mabigyan niya ng dignidad ang kanyang sarili. Ito ay makakamit sa pamamagitan ng pagbigay sa kanya ng karapatang makapag-aral at idebelop ang sarili. Dapat ding mabigyan ng karapatan ang mga indio na sumali sa politikal na pamamalakad at pagpapatakbo sa bansa. Dinidiin din ditto ni Rizal ang kahalagahan ng pagkakaroon ng “free press”. Sa pamamagitan ng free press ay mailalabas ang mga kasalukuyang katotohanang nagaganap sa bansa. Isa pa, ang Espanya ay malayo sa Pilipinas at kung gusto man nitong mamuno sa Pilipinas, kailangan nito ng free press upang malaman ang kasalukuyang kondisyon ng kanyang nasasakupan. Kung pagsasamahin ang lahat ng ito ay parang gustong ipahiwatig ni Rizal na mabigyan ng pantay na trato ang mga Espanyol at indio sa lahat ng aspeto. Sa ganitong paraan ay maaring matupad ang hula na ito na magiging kolonya nga ng Espanya ang Pilipinas. Pero kung hindi maisasakatuparan ang mga kahilingang ito ay ang pangalawang hula ang mangyayari.

Kung hindi man lang mabigyan ng respeto at kalayaan ang mga tao ay mabubuhay sa kanilang mga sarili ang pagmamahal sa sariling bayan. Kung tutuusin ito ang nangyari sa Pilipinas noong mga panahong iyon. Ang mga Pilipino ay may sarili ng kultura, trdisyon, paniniwala at teknolohiya bago pa man dumating ang mga banyaga. At nung sila ay masakop nawala na anga mga tradisyong iyon. Iyon ay napalitan ng tradisyong banyaga na hindi naman nila lubos maintindihan. Ang pag-iisip at idolohiya ng mga Pilipino ay naapektuhan din at napalitan ng pag-iisip ng isang banyaga na hindi naman angkop sa kinatatayuan at tinitirhan nating mga Pilipino. Bakit tayo magpapakabanyaga kung tayo naman ay nandito sa Pilipinas. Bakit tayo mag-aastang mga banyaga kung ang lupang tinatayuan natin ay Pilipinas.

Ang isang taong lugmok na sa paghihirap, kung dadagdagan mo pa ang paghihirap at iinsultuhin mo pa ay babangon at lalaban. Ito ang isang pagkakamaling nagawa ng mga Espanyol sa pag-aakalang ang pag-insulto ay magpapababa ng dignidad ng isang tao upang ito ay manliit sa sarili at hindi kailan man lalaban. Pero hindi ito ang nangyari. Sa pagmamalabis ng mga Espanyol ay napukaw ang damdaming makabayan ng mga Pilipino. Bakit sila magpapauto sa mga Espanyol, sinasaktan na nga sila at inaabuso, hindi pa sila lalaban? Syempre lalaban sila. Kung hindi na kaya ng isang tao ang magtiis, ito ay kakapit sa patalim para mabuhay. Kung buhay niya na ang nakataya, siya ay hindi na magtiis, kundi siya ay lalaban.

At ito nga ang nangyari sa Pilipinas pagkatapos noon. Napukaw ang damdaming makabayan ng mga Pilipino at sila ay nag-alsa laban sa mga Espanyol. Naging madugo man ang kanilang pakikibaka ay hindi nila ito pinagsisihan sapagkat ito ay nagbigay sa kanila ng kalayaan sa mga banyagang mapanlait at mapang-abuso.

Pero pagkatapos ng pananakop ng mga Espanyol ay dumating naman ang isa pang grupo ng mga banyaga. Sila ang mga Amerikano. Kakaiba sila kumpara sa mga Espanyol. Binigay nila sa mga Pilipino ang mga ninais nila nung sila ay nasa ilalim ng mga Espanyol. Ito ang mga kondisyong tutulong upang magkatotoo ang unang hula. Pero sa kasalukuyang kondisyon ng bansa, tayo ay may sarili ng bansang matatawag na sariling atin pero ang mga tao, pati na ang gobyerno ay may bahid pa rin ng banyagang tradisyong hindi maalis-alis sa atin. Parang mantsang palagi ng nakadikit sa ating mga damit na itinuring na lang nating disenyo sa ating mga suot.

Ano na nga bang nangyari sa Pilipinas at mga Pilipino? Naging malaya nga ba tayo? May sarili nab a tayong identity na matatawag nating sariling tayo na walang bahid ng kahit na anong impluwensya? Higit tatlong daang taon din tayong nasakop at sa bawat pagsakop na iyon, hindi na natin kilala at hindi na natin alam kung sino talaga tayo noon, kung sino tayo ngayon, at kung magiging sino tayo bukas.
Kung susuriing mabuti, ang mga hula niyang ito ay kanya ring ginamit sa kanyang mga nobela. Una, ang magiging lalawigan ng Espanya ang Pilipinas. Ito ang ninais mangyari ng mga estudyante sa El Filibusterismo sa kanilang pagnanais na magtayo ng paaralang magtuturo ng kastila. Dito pinahahalagahan ni Rizal ang pagkakaroon ng iisang wikang nasyonal. Ang pagkakaroon kasi ng wika ay isang sagisag ng independence ng isang bansa. Dito ang layuning matuto ng kastila pati ang mga Pilipino ay para na ring pagpapasailalim sa kapangyarihan ng mga banyaga. Isa pa, bakit ka magsasalita ng wikang banyaga ganung ikaw naman ay nasa loob ng sarili mong bansa? Pero sa panahong iyon, walang ibang hinangad ang mga repormista kundi ang mapayapang paraan ng pagkaroon ng magandang status sa buhay. Nilalait sila ng mga banyaga, kaya sa mapayapang paraan, sa pag-aaral ng mabuti, naipapakita nilang hindi kami tulad ng inaakala ng mga Espanyol. Ang mga Pilipino ay magagaling din at kaya naming pantayan ang kagalingan ng mga Espanyol. Sa ganitong paraan, sinisikap ng mag tao na kilalanin ng Espanya ang Pilipinas bilang isa nitong lalawigan na pwedeng pamahalaan ng mga Pilipino na hindi na mangmang at marami ng alam tulad ng mga ipinapadala niyang mga Espanyol.

Pero hindi marahil iyon ang gusting mangyari ng mga Pilipino lalo na kung titingnan ang pagtrato ng mga Espanyol sa ating mga Pilipino. Pati na rin ang mga Espanyol ay hindi o walang katiting na balak na gawin iyon. Mapagmataas sila at mapanglai sa ating mga Pilipino. Tayo, a nila, ay mga mangmang at mga bobo na kahit anong aral pa ang gawin natin, palaging sila (Espanyol) pa rin ang lalamang. Pinasakitan nila an gating mga katutubo. Oo, sila rin ang nagturo sa atin na matutong magtiis at umasa sa milagro, gaya ng nakaloob sa El Filibusterismo. Mahabang panahon din tayong nagtiis, pero ang lahat nga ay may hangganan. Hindi sa lahat ng panahon at oras mananatiling inaapi ang mga Pilipino. Kahit papano, may nabuhay na diwang makabayan sa ating mga tao. Ang pagtitimpi ay tapos na. Ang pagtitis ay tiapusin na! Ang mga nagpapasakit sa atin ay ating alisin sa bayang ating kinatatayuan, sinilangan at kamamatayan. At iyon ang mga nangyari sa mga sumunod na mga taon pagkatapos patayin an gating pambansang bayaning si Rizal. Siya na walang ginawa kundi ilabas ang tunay na nangyayari sa Pilipinas ay siya pang pinarusahan ng kamatayan habang ang mga prayle na nagpapasakit sa kanila ay hindi man lang nagalaw ng kaunti. Nag-alsa ang maraming taungbayan at pinabagsak nila ang mga banyaga sa isang madugong paraan.

Pero nasakop uli tayo. Nag-alsa, at nasakop, nag-alsa ulit. Ito marahil ang paikot-ikot na nangyayari sa ating bansa. Kung ikukumpara ang ginawang hula ni Rizal sa ating bansa sa isang artikulo na ginawa ni Jarred Diamond na Wealth of Nations, masasabing may kahawigan ang dalawa. Sa wealth of Nations ay binibigyang paliwanag ang kasalukuyang kalagayan at kayamanan ng isang bansa base sa kabutihan ng kanyang institusyon. Kung tutuusin, nakalaya nga tayo. Pero kung titingnan naman natin ng mabuti, ay bakas pa rin ang mga kulturang banyaga na kumakalat sa ating ma Pilipino. Kung sa bagay, higit 300 taon din tayong nasakop at sa mga panhong iyon ay tila nawalan na tayo ng sariling identidad. Pilipino na nga ang nagpapalakad ng bansa ngayon, pero ang paraan ng pamamalakad natin ng bansa ay hindi nakalalayo sa pamumuno ng mga banyaga. Kung ito ang sinasabing kalayaan ng mga Pilipino, kalayaan nga ba ito kung maituturing?

Liham sa mga Kababayang Dalaga sa Malolos

Noong ika -12 ng Disyembre 1888, isang grupo ng 20 kababaihang pawang taga Malolos ang nagpetisyon kay Gobernador Heneral Weyler at humingi ng pahintulot na magbukas ng isang paaralang panggabi para sa mga kababaihang nais mag-aral ng wikang Espanyol sa ilalim ng gabay ni G. Teodoro Sandiko. Dahil sa pagsalungat ng punong prayle sa naturang lugar hindi napahintulutan ang bagay na ito. Ngunit hindi nasiraan ng loob ang mga batang kababaihan at bagamat salungat sa ideyang ito ang prayle nagpursige sila at sa huli ay napapayag din ang mga namumuno sa kanilang hiling sa kondisyong si Senyorita Guadalupe Reyes ang tatayong guro.

Hindi pangkaraniwan sa mga kababaihang Pilipino ang aksiyon na ito ng mga panahong iyon. Nananatiling patriyarkal ang sistema ng lipunan kung saan ang boses ng mga kababaihan ay di gaanong pipapahalagahan. Dagdag pa ang popular na pagdidikta ng simbahan sa kung alin ang mga katanggap-tanggap na kilos ng babae sa lipunan at kung alin ang hindi. Kahanga-hangang maituturing ang pagkilos na naturan. Lubos itong kinagalak ng marami lalo na ng mga Repormistang nakabase sa Espanya. At sa pakiusap ni Marcelo del Pilar, sumulat si Rizal ng isang liham at ipinadala sa mga magigiting na babae sa Malolos.

Sa pagsusuri ng aming grupo, napag-alaman naming na ang nilalaman ng liham na ito ay isang matalinong paglalahad ng kasalukuyang kalagayan ng Pilipinas noong mga panahong iyon. Ang mga mahahalagang binigyang pansin ni Rizal ay ang isyu ng kamangmangan ng mga Pilipino at ang sistema ng edukasyon , ang kabuktutan ng mga prayle at ang mga papel ng kababaihan sa lipunan. Sadyang napakatalino ni Rizal upang gamitin ang pangyayaring ito upang maipahayag at maiparating sa mga kababaihan ang namamayaning isyu at mga problemang hinaharap ng ating bayan.


Para kay Rizal kapuri puri ang tagumpay ng mga kababaihang taga Malolos. Pero higit doon, lubos niya itong kinalugod. Sa isang banda tila naman nagulat si Rizal sa pagkakatanggap sa nasabing balita. Gaya nga ng nilalaman ng pasimula ng kaniyang sulat, siya man ay napapaisip kung likas bang matapang ang mga kababaihang Pilipino. Sa pangyayaring ito pa lamang napawi ang kaniyang pag-aalinlangan at ang pagkarealize sa kanyang maling inakala. Sa higit na maraming pagkakataon, mas nakilala ni Rizal ang mga kababaihan sa kanilang panlabas na kaanyuan lamang. Mahinhing kilos at maayos na pananamit, ngunit pawang hanggang dito lamang ang kanyang pagkakilanlan maliban na lang sa mga malalapit na tao sa kanyang buhay gaya ng mga miyembro ng kanyang mag-anak.

Ayon sa kanya ang pangyayaring ito ay nagbigay pag-asa sa mga repormista na higit pang magpursige sa kanilang layunin sa Espanya lalo pa ngayo’t nalalaman nilang hindi na sila nag-iisa. At tunay nga ito. Sang-ayon kami na higit na napalakas ng mga hakbang na ito ang mga pagkilos na ginagawa ng mga repormista. Kung dadami nga naman ang mga magiging kaalyado nila sa hinihinging pagbabago, higit na mapapadali ang pagpapatupad ng mga layunin. Para kay Rizal isa itong hudyat ng simula ng pagkagising ng mga Pilipino, hindi lamang ng mga taga Malolos kundi ng mas marami pang Pilipino. Batid ni Rizal na ang edukasyon at ang pagkamulat sa tunay na kondisyon ng lipunan ang pinakamabisang paraan upang maisakatuparan ang mga pagbabagong hinihingi nila sa Espanya.

Kung pag-aaralang mabuti, malaki ang pananalig ni Rizal sa edukasyon. Sa nakikita ng aming grupo, nalalamang mabuti ni Rizal kung gaano kahalaga ang edukasyon kung nais niyang baguhin ang lipunang Pilipino. Ayon sa kanyang liham, ang kamangmangan ay katumabas ng kaalipinan. Gayundin, ang taong walang isip ay masasabi ring walang pagkatao. Ang taong bulag na sumusunod lamang sa pinag-uutos ng iba ay katumbas lang ng hayop na susudsunuran sa humihila sa kanyang tali. Malinaw na sinasabi rito na ang edukasyon ang siyang pinakamabisang sandata ng mga Pilipino sa mga mapang-aliping prayle at mga nakatataas sa lipunan.


At ito ang pinakamagandang simula. Mababatid sa naturang liham na malinaw na sinasabi ni Rizal ang mga dapat pagtuunan ng pansin, partikular ng mga kababaihang Pilipino. Isa itong matalinong payo mula sa isang ginagalang na tagapagpayo. Animong nagsisilbing gabay, tila nilalayon ng sulat na bigyan ng direksiyon ang unang hakbanging ito ng mga naturang kababaihan. Hindi dapat magtapos lamang sa pag-aaral ng wikang Espanyol ang adhikain ng mga kababaihan. Kailangang mamulat ang mga nabubulag na mata at bigyan ng daan ang mga naliligaw. Tila ganito nga ang mensaheng nais iparating ni Rizal sa mga tatanggap ng liham. Malamang ay ayaw na ni Rizal na makakita ng isa pang Donya Victorina. Ang mga ganitong babae ay hindi karapat dapat na magpalaki ng mga kabataan! Nakita natin kung gaano siya kadesperado sa pagnanais na maging Espanyol kahit hindi naman ito maaari. Siya at ang mga babaeng kagaya niya ang nais iwasan ni Rizal na tularan ng mga kababaihan. Sa bagay na ito, hinding hindi kami bibitaw sa pagsuporta kay Rizal. Tama nga naman, walang mapapala ang mga susunod na henerasyon kung magiging ganito ang mga susunod na ina.

Bukod sa mga payo sa kababaihan. Napansin din ng aming grupo na tila inis na inis si Rizal sa laganap na Praylokrasya. Gaya ng nilalaman ng kanyang iba pang mga akda at talumpati, maingat na inilahad ni Rizal ang mga panlilinlang na ginagawa ng mga prayle. Tinukoy niya ang maling mga turo ng mga ito. Ang kanilang pagkamakasarili at ang panghahadlang nila sa intelektuwal na pag-unlad ng mga Indio. Ayon sa kanya, ginagamit ng mga prayle ang pangalan ng Diyos upang mapasunod ang mga nasasakupan nila, makakolekta ng buwis at manatiling nasa ilalim ng kanilang kontrol. Nananatiling bulag ang mga Indio at nagiging sunud sunuran sa mga prayle dahil na rin sa kamangmangan, na ayon rin kay Rizal ay kagagawan mismo ng mga sinasabing alagad ng Diyos. Sa mga akda ni Rizal gaya ng El Filibusterismo, nakita natin kung paano hinahadlangan ng mga prayle ang pagkatuto ng mga Indio. Ayaw nilang matuto ang mga Pilipino ng kanilang wika sa takot na mapag-aralan ng mga tao ang batas at sundin ito. Iniiwasan ng mga prayle na matutong manlaban ang mga Indio sapagkat nalalaman nilang ang mga ito ay pawang nasa katwiran. Batid ni Rizal na ang kamangmangan ng mga Indio ang pinakamabisang sandata ng mga prayle sa kanilang pangmamaniobra sa mga tao.

Gayunpaman hindi naman nangangahulugan na ang pagsalungat ni Rizal sa mga gawain ng prayle ay pagtalikod niya sa simbahan. Sa nakikita namin, malinaw na hanggang sa panahong ito ay matatag pa rin ang pananampalataya niya at paniniwala sa pagkakaroon ng isang dakilang Lumikha. Nilinaw lamang niya na ang kagustuhan ng Diyos ay kaiba sa mga kagustuhan ng mga prayle, na ang kabanalan ay hindi mahihinuha lamang sa mahabang oras ng pagdarasal o pagbibigay ng mga abuloy kundi sa paggawa mismo ng tama at sa pagsasabuhay ng mga totoong turo ng Maykapal. Sa puntong ito, maaaring sabihin na malalim na talaga ang pagkakaintindi ni Rizal sa Kristiyanismo. Alam niya na hindi ang mga prayle ang panginoon, at lalong hindi dapat gumawa ng kasamaan ang nasabing mga alagad ng Diyos.

Mariin ring binanggit ni Rizal ang kahalagahan ng mga kababaihan sa pagtataguyod ng isang makatarungan at mulat na lipunan. Sapagkat sa tahanan nagmumula ang lahat ng mamamayan, mabigat na tungkulin ang nakaatang sa mga kababaihan na ayon kay Rizal ay silang bumubuo at lumililok sa kaisipan ng mga kabataan. Ayon pa sa kanya, ang punong lumaki sa putik ay maganda lamang panggatong. Ang puno ay ang mga anak at ang putik na kinukunan ng nutrients naman ang ina. Kung hindi malusog ang lupang kinatatamnan ay malamang na lumaking bansot ang mga punong tutubo rito. Ang mabuting ina ay isang pinalalaki ang kanyang supling ayon sa katauhan ng tunay na Diyos, at hindi ng Diyos na nakikita sa mga kilos ng mga prayle na inilarawan niyang gahaman, bampira na sumisipsip sa dugo ng mahihirap at bumabaliko sa landas ng katotohanan at hustisya. Iniatas niya sa mga kababaihan na palakihin ang kanilang mga anak na kagalang galang, matapat, makabayan at responsible. At magagawa lamang ang lahat ng ito kung mawawala ang kamangmangan ng mga ina at ng mga magiging ina. Hayaang magluwal ang mga ignoranteng ina ngunit iwan ang pagpapalaki sa ibang tao nang di matulad ang sanggol sa kanyang ina sa paglaki nito.

Kung tutuusin ang mga kasasabing bagay ay maaaring repleksiyon ng tingin ni Rizal sa mga karamihan ng kababaihan bago pa niya natanggap ang balita. Kung titingnang mabuti tila sinisisi ni Rizal ang mga kahinaan ng mga babae sa pagkakalublob ng lahing Pilipino sa kamangmangan. Alam niya na ang mga alipin at bulag na mamamayan ay bunga ng mga mangmang na ina. Kung ang lahat ay magiging katulad ni Hermana Penchang at Donya Victorina, tiyak nga naman na walang kahihinatnang mabuti ang mga Pilipino. Ang mga nasabing tauhan ay ang kabilang pa nga sa mga prominenteng tao ng kanilang bayan, ngunit sa kasamaang palad ay pawang mga mabubuting alagad at susud sunuran lamang sa mga prayle.

Sa pagtatapos ng liham, may pitong mga bagay na binanggit si Rizal na makatutulong kung pagmumunihang maigi. Ang mga sumusunod ay ang mga highlight sa mensahe ni Rizal.

Una sa lahat, sinasabi niyang walang mananamantala kung walang papayag. Ang pagiging duwag ang nagbibigay daan sa mga malalakas na panghawakan ang mga mahihina.


Ikalawa, kahihiyang maituturing ang kawalang dignidad.

Ikatlo, ang kamangmangan ay kadalasang nauuwi sa pang-aalipin. Siyang hindi marunong tumayo sa sariling mga paa at magdesisyon sa sariling inisyatibo ang kadalasang pinangungunahan ng iba na parang hayop na hinihila ng tali.

Ikaapat, and taong nagmamahal sa kanyang kalayaan ay dapat marunong tumulong sa kanyang kapwa. Ang proteksiyon na hinahanap ay ganap na makukuha lamang sa pagkakaisa. Ito ay tulad din ng tingting na nagiging epektibo lamang kung magkakatali.

Ikalima, kung mananatiling mangmang at bulag sa katotohanan ang isang Pilipina, hindi na dapat siya hayaang maging ilaw ng tahanan. Sapat na ang magluwal siya ng sanggol ngunit ang pagpapalaki ay dapat nang iatang sa iba nang matigil na ang hindi namamalayang pagkakalulo niya sa kanyang asawa’t anak.

Ikaanim, ginawa ng Diyos ang mga tao ng pantay- pantay. Walang pinapanganak na alipin sa kagustuhan ng Maylikha. Binigyan tayo ng talino ng Diyos hindi upang maloko ng ating kapwa. Walang masama sa pagpapaunlad ng kaalaman at paggamit ng rason sa lahat ng mga bagay maliban lamang kung ito’y gagamitin sa pagpapasunod sa iba lalo pa at hindi ito tama at makatarungan.

At ang ikapito, wag maging bulag sa usapin ng relihiyon. Dapat alamin kung ang mga tinuturo ba ng mga alagad ng simbahan ay naayon sa turo ni Kristo. Wag magpapalinlang sa mga salita ng mga Prayle. Makabubuti kung malaman muna ang mga bagay bagay sa likod ng mga gawaing simbahan.

Kung susuriing mabuti, ang liham sa mga kababaihang taga Malolos ay hindi lamang naglalayong magpugay sa tagumpay na nakamit. Malinaw na nangangaral din ito. Binibigyang direksiyon nito ang higit na mahalagang layunin. Ang baguhin ang imahe ng mga kababaihan sa lipunan.

Sa gawaing ito nskita ng aming grupo kung paano tinitingnan ni Rizal ang mga kababaihan sa kanyang kapanahunan. Hindi naman sa isa siyang sexist o hindi siya gaanong bilib sa kakayahan ng mga kababaihan, ngunit malinaw na alam niya kung paano ginagawang kasangkapan ng mga prayle ang mga Pilipina upang matupad ang kanilang layunin. Maaaring isa sa mga layunin ng sulat na ito ay imulat ang mata ng mga kababaihan upang hindi na sila mapaglalalangan sa susunod. Sang-ayon kami sa pananaw ni Rizal na ang kinahantungan ng ating bayan noong mga panahong iyon ay tuwirang maikakabit sa kung papaano pinapalaki ng mga ina ang kanilang mga anak. Gaya nga ng kaniyang nabanggit, ang mga inang mangmang at sunudsunuran sa mga prayle ay magbubunga lamang ng mga alipin sa hinaharap. Sa isang banda, hindi naman masasabing walang pag-asa si Rizal sa mga kababaihan. Kung tutuusin malaki ang utang na loob ni Rizal sa kanyang ina lalo na sa edukasyon na kanyang natamo dahil dito. Totoong malaki ang naging impluwensiya ni G. Teodora Alonzo sa intelektuwal na pag-unlad ni Rizal. Gaya nga ng mga napag-aralan natin sa talambuhay ni Rizal, ni minsan ay hindi niya inisip na naging higit na marunong siya sa kanyang ina. Sa katunayan sinasabing nagiging sanggunian pa nga niya ang kaniyang ina noong nag-aaral pa lamang siya ng Espanyol. Sa aming palagay, si G. Alonzo ang isa sa naging inspirasyon ni Rizal sa pagsulat ng liham na ito. Malaki ang paniniwala ni Rizal na kung ang lahat ng kababaihan ay katulad lamang ng kanyang ina, marahil ay ibang iba na ang naging kalagayan ng Pilipinas noong panahong iyon. Ito ang malinaw na mensahe, nakasasalay sa mga kababaihan ang isang malaking bahagi ng pagbabago at tagumpay ng lahing Pilipino!

Annotations to Morga's 1690's

Ang sanaysay na ito ay isinulat ni RIzal tungkol sa isang manunulat ng kasaysayan sa panahon ng mga Espanyol sa Pilipinas na si Governor Morga. Isinulat ito ni Rizal dahil sa hangarin niya na imulat ang mga Pilipino sa kanilang kasaysayan bago pa man dumating ang mga Espanyol sa Pilipinas at ang mga nangyari pa ng masakop na ang Pilipinas ng mga dayuhang Espanyol.

Sa pagsulat niya ng Noli Me Tangere, ipinahayag ni RIzal ang kasalukuyang kalagayan ng Pilipinas sa kamay ng mga Espanyol lalo na sa mga prayle. Sa tagpong ito napagtanto ni Rizal na Medyo kulang ang Noli pa ikumpara o ihambing ang bihay ng mga Pilipino sa kasalukuyang kalagayan nito at ang kalagayan nito ng hindi pa nasasakop ng Espanya ang Pilipinas. O hinalungkat ni Rizal ang mga gawa ni Morga at iba pang manunulat ng kasaysayan sa panahon ng kolonyang Espanya tulad ni Padre Chirino, Argensola at Gaspar de San Agustin na pawang mga Espanyol, ngunit mas binigyang diin ni RIzal ang mga gawa ni Morga dahil ang mga ibang tagasulat ng kasaysayan ay tinalakay ang kasaysayan ng misyon sa Pilipinas na kung ihahambing sa gawa ni Morga ay may political background.

Binigyan ng pansin ni Rizal ang kasaysayan dahil ayon na rin sa kanya, upang malaman ang bukas, kailangang maintindihan ang kahapon at ngayon.

Nais nyang makapag-analisa ang mga makakabasa sa kanyang ginawang sanaysay kung nakabuti ba sa Pilipinas ang pagdating at pananakop ng mga Espanyol bilang gawing kolonya ang Pilipinas. Nais nyang bigyan ang makakabasa ng sanaysay ng mga basehan at malawak na ideya tungkol sa Pilipinas bago pagdating at sa kamay ng mga Espanyol. Binigyan nya ng pagkakataon na suriin ng mambabasa ang mga naging problema sa pananakop ng Espanya, dahilan upang humantong sa rebolusyon kinalaunan ang kanilang pamamahala sa kolonya.

Nais nya ring iparating na hindi mga barbaro at mga walang kultura ang mga katutubo bago dumating ang mga Espanyol dahil mayroon ng mga sistemang sultanato ang Pilipinas at mga batas na sinusunod, pati na rin sa kaalaman sa pkikipaglaban. Na masasabi nating taliwas sa mga sinansabi madalas ng mga prayle na mangmang ang mga Pilipino at barbaro.

Sa ibang parte naman, binigyang pansin ni Rizal ang sitwasyon ng mahawakan ng Espanya ang Pilipinas. Naging Kristyano ang mga Pilipino at tumaliwas sa paganismo. Sumailalim sila sa pamamahala ng Gobernador Heneral ngunit alam naman natin at alam ni Rizal na ang mga prayle talaga ang mga totoong humahawak ng kapangyarihan.

Marahil naging mas maayos ang persepsyon ng mga Pilipino sa relihiyon bilang Kristiyano at naging maayos ang sistema ng pamahalaan at umunlad ng kaunti ang kaalaman ngunit mas mabigat naman ang kabayaran dahil ginagamit ang mga Pilipino bilang mga sunudsunurang mga alipin. Kinuhanan ng mga lupa at pinagtrabaho ng sapilitan upang makatipid at maibulsa ang kaban ng bayan.

Ngayon, kung pagsasamahin lahat ng mga datos, mas naging mas makakabuti sa Pilipinas at sa mga mamamayan nito kung hindi pumailalim ang Pilipinas sa pamamahala ng mga Espanyol.

Nagbigay si Rizal ng isang kaalamang makakatulong sa atin sa pagkukumpara ng mga panahon na magbibigay ng mga katunayan sa pagkapiit sa isang kulungan ng Pilipinas na parang isang ibon.