REAKSIYON SA MGA SANAYSAY NI GAT JOSE RIZAL

Sunday, May 08, 2005

The Indolence of the Filipinos

Sa sanaysay na “The Indolence of the Filipinos”
nagbigay si Jose Rizal ng malawak na pagtalakay at
malalim na pagsusuri sa usaping indolensya ng mga
Pilipino. Ang pagsuri niya sa usaping ito ay nagsimula
sa obdyektibo niyang pagtanggap sa katotohanang
umiiral nga ang indolensya sa bansang ito. Mahalaga
rin ang paggamit niya ng historical approach para
lubusan niyang masuri ang pinagmulan at dahilan ng
pagpapatuloy ng kaugaliang nabanggit. Ipinahayag niya
rin ang kanyang pananaw kung paano mabibigyang lunas
ang suliraning ito, patunay ng kaniyang maigting na
pagnanais na maibangon ang sambayanang nilalait at
inaalipusta ng mga banyagang mananakop.

Tinalakay niya kung paano nagsimulang magkaroon ng
ugaling hindi mapagsikap ang mga Pilipino ngunit
nagbigay ang may-akda nang patunay na hindi sadyang
ganito ang mga katutubo, na siyang pinatutunayan ng
maunlad na buhay, kultura at sistemang panlipunan ng
mga naninirahan sa Pilipinas bago pa man dumating ang
mga mananakop. Sa kabuuan, mahahati sa dalawang
pangunahing kategorya ang malakas na puwersang
tumutulak sa pagpapatuloy ng kaugaliang ito. Una ay
ang tropikal na klima at pangalawa, ang mapagsamanta
at maling halimbawa o turo ng mga mananakop.

Ipinapahayag ni Rizal na ang indolesyang ipinaparatang
ng mga dayuhan ay siyang dahilang kung bakit
nagpapatuloy ang lahing Pilipino kung kaya’t hindi
natin agaran at buong masasabi o matatawag na
indolensya ang pagpapahinga sa ganitong uri ng klima
na talaga namang humihingi nito sa sino mang gumagawa
sa ilalim ng araw. Kumbaga, isa itong halibawa ng pag
“adapt” o pag-angkop ng sarili sa kapaligiran upang
masiguro ang kaligtasan. Sa bahaging ito rin ng
sanaysay, nailarawan kung kanino at paano nagsimula
ang pananaw na tamad ang mag Pilipino, at dito
nagbigay nang mga halimbawa si Rizal na nagpapakita
kung sino nga ang tamad o hindi. Lumalabas na ang mga
dayuhang pumupuna ay higit pang tamad sa pinupuna at
iniinsultong indio..Sa aking palagay, tama lang
sabihin na nasasalamin ng katotohanang ito na tunay
ngang hindi naiiintindihan (marahil, dahil sa kawalan
ng intensyon) ng mga nananakop ang bansang nasa ilalim
ng kanilang kapangyarihan at kung gayon ay
maituturing nga na wala silang marangal na interes
para sa lahing kayumanggi sa simula pa man.


Samantala, kung ihahambing sa naunang dahilan, ang
mapagsamantalang pamamalakad ng mga dayuhang Kastila
kung saan malimit nilang pinapaikot ang mga Pilipino
sa kanilang mga palad upang makamit nila ang kanilang
mga ninanais ay siyang malakas na puwersa at tunay na
dahilan ng paglaganap ng indolensya sa bansa. Sa
ikalawang, pagkakataon, sa aking palagay naging “means
of survival” ng mga indio ang pagyakap sa ugaliang
tinutukoy ng mga mananakop bilang indolensya. Sa isang
lipunan kung saan ang material na bunga ng pagsisikap
ay nagiging dahilan ng kapahamakan ng huli, lumalabas
na ang pagsusumikap nang isang mamamayan upang
mapabuti ang kaniyang materyal na kundisyon ay para
bang nangangahulugan rin ng kusa niyang paghukay ng
kaniyang sariling libingan. Sa ganitong pagkakataon,
naging napakahirap sa mga Pilipino na mapagbuti at
malinang nang husto ang kaniyang sarili, dahil sa
nakaambang panganib dala ng ng mga tulisan at mga
Kastilang gahaman sa material na pag-aari kung kaya’t
ang dating mahusay at mapagsumikap na katutubong
Pilipino ay nananatili na lamang sa kanyang tahanan
upang umiwas sa kapahamakan, kung kaya’t nagpatuloy
aang Pilipino bilang isang lahing umuunlad ng paurong.


Bukod sa usaping pang-eknomiya, malaki ang kinalaman
ng relihiyon sapagkat tinuturo ng mga kura na hindi
mapupunta ang mga mayayaman sa langit, sa aking
palagay, hindi aksidente o inosenteng pagkakamali ito
sa parte ng mga pari. Maaaring pinapalaganap nila ang
turong ito (nang walang kaakibat na ibayong pag-iingat
upang hindi maipagkamali ang kahulugan) sa pag-asang
magiging dahilan ito na mas madali o mas madalas na
pagpaposk ng pera sa simbahan sa pamamagitan ng limos.
Ngunit, katulad sa maraming pagmamanipula ng mga
prayle, hindi umayon dito ang resulta sapagkat
maraming katutubo ang umayaw na magsikap dahil wala
ring dahilan ng pagpapayaman kung mapupunta di rin
lang sila mapupunta sa langit.. Maliwanag dito kung
paanong simula pa man ay ginagamit ng “state
apparatus” ang relihiyon upang mapagsilbihan ang
interes ng pamahalaan at praylokrasya. Kung maingat na
titingnan, lumalabas na ang mga dayuhang kastila ang
nagpa[aybong sa ugaling lubos nilang inaayawan sa mga
indio.

Sa kadahilanang nawawalan na lakas na gumawa ang
indio, kasama ng pagkawala ng kaniyang moral na lakas
at dignidad, unti unting nababawasan ang pakinabang sa
kaniya ng mga mapagsamantalang dayuhan, ngunit sa
kadahilanang madaling malimi ng sino man, mukhang
hindi ito sapat upang magbago ang turing ng mga
dayuhan sa mga Indio, at marahil sapat na sa kanilang
masabi na talamak na ang indolensya sa bansang ito
(kumbaga puna at insulto na lamang sa mga indio ang
maari nilang gawin) upang mapayapa nila ang kanilang
mga sarili!

Kung pag—uusapan naman ang epekto, nanguguna ang
kawalan ng motibasyon ng mga Pilipino at magkasya na
lamang na makisabay sa agos ng panahon. At kung
magkakaroon man na nagnanais na magdala o magsimula ng
pagbabago, hahayaan na lamang ng marami na ito na
lamang ang magtrabaho para sa kanila. Kung nagkakaroon
man ng kumpetisyon, madalas kesa sa hindi ay nauuwi
ito sa inggit na lalong nagpapala sa sitwasyon.
Natututo rin ang mga Pilipino na umasa na lamang sa
milagro at ang mga kabataan naman ay hindi man lang
nabibigyan ng pagkakataon na mapatunayan ang kanilang
mga sarili o mapaunlad ito. Dahil rin sa kawalan ng
pagapahalaga ang mga Pilipino sa pagiging isang bansa
natin, maraming bagay ang hindi nalulutas sa
pamamalakad ng pamahalaan at hindi rin nawawala ang
dumi ng pulitika sa bansa. Sa aking pagsusuri,
lumalabas sa pangyayaring ito na ang mga Kastila ang
ngpapayaman sa ugaling lubos nilang inaayawan sa
indio.. Malungkot isipin, ngunit ang epektong ito na
dala ng pagmamalabis ng mga mananakop ay nagpapatuloy
hanggang ngayon at tila pa lalong lumalala sa kamay ng
mga sunod-sunod na lider na kulang ang kakayahan
upang humahawak sa bansa.


Masasabing sinikap ng mga kastila na matugunan ang
lalo pang lumalang indolensya nga mga katutubo sa
pamamagitan ng pagdaragdag nang kailangang tugunan ng
mga indio, ngunit ang mga kabayarang hinihingi ng
simbahan at pamahalaan ay nagbunga lamang ng higit na
masamang epekto dahil dumami ang mga criminal. Tunay
ngang nasagad na ang katutubong indio! Ang kawalan
nila ng kakayahan na malunaasan ito kahit man klamang
ng kauntni o pansamantala ay patunay na hindi
naiintindihan ng mga Kastila ang ugat ng suliraning
ito.

Gayun pa man kahit ang “katamaran” ay itinuturing na
malalang sakit ng lipunan,kahit noon pa man, sinasabi
ni Jose Rizal na hindi naman ito namamana. Dito,
masasabi kong lumalabas ang pagiging materialist ni
Rizal, kung saaan nanaiwala pa rin siya sa kakayahang
magbago ng sitwasyon gaano man ito kahirap o kasama.

Sa banding huli, iminumungakahi ng sanaysay na
edukasyon at kalayaan ang natatanging paraan upang
magkaroon ng tunay at makabuluhang pagbabago sa
lipunang matagal na nalugmok at napaglaruan ng mga
dayuhang sumakop dito at kailangan itong pagsumikapang
baguhin ng pamahalaang Esapaña upang dumating man ang
panahon ng kanilang paglisan sa bansang ito, kahit
papano ay di niya pagsisisihan na nag-aruga siy ng
isang bansang namumuhi sa kaniya. Sa palagay ko,
ninanais ni Rizal na angh mga Pilipino ang magpatakbo
sa sariling pamahalaan sapagkat malaki ang magagawa ng
pagbibigay ng pagkakataon na mapatunayan ang sariling
kakayahan upang mabago o mawala ang indolensya sa mga
katutubo.

Matagal nang panahon na naisulat ni Rizal ang sanaysay
ngunit nananatiling angkop ang marami sa kaniyang
palagay, at ang malawak niyang pag-intindi sa
kasysayan at ang pagpapahalaga niya rito upang
malunasan o higit na maintindihan ang ano mang usapin
o suliranin ay isang bagay na dapat na maisapuso ng
lahat ng Pilipino sa panahong ito.

Ngunit, sa huli ay itinatanong ko, gaano ba kalalim
ang naiwang sugat ng karanasang ito sa ating pagkatao
upang magpatuloy ang maraming negatibong ugali kahit
pa sa panahong mayroon na tayong pagkakataon na
magpalakad na ating sariling pamahalaan?

Marahil, may dalawa ngang mukha ang salamin sa simula
pa lamng ng pananakop. Ang isang mukha, yaong sa
katutubo, ang indiong naghahangad ng pagbabago at
naipit lamang sa dikta ng lipunan kung kaya’t bumagal
ang pag-usad ng pag-unlad nito. Ang sa kabila, yaong
sa mananakop. Ngunit huwag kang magugulat kung
kayumanggi ang balat ng isang ito. Nagpalit lamang ng
mukha, ng lahi sapagkat ang dating Kastilang
mapang-api ay nasa katawan na ngayon ng Pilipinong
nagpapahirap sa sariling bayan.

Sa kabuuan, mahalaga ang natutunan ko-- hindi
nagtatapos ang pagbabagong hinahangad ng mga indio ng
lisanin ng mga Kastila ang bansa, bagkos dito
nagsimula ang tunay na hamon patungo sa pagbabago.
Naisip ko rin na ang pananakop ay hindi lamang usaping
pang-teritoryo o ekonomiya, higit itong mas kumplikado
at ang impluwensyang dala ng mga mananakop ay mahigpit
na kumakapit sa ating kamalayan at nagpapatuloy sa
ating kultura at pamumuhay. Hindi ko itinatanggi na
mayroong kabutihang naidulot ang pananakop sa atin,
ngunit ang mga negatibong dulot ng pang-aabuso ay
patuloy na umaalingawngaw sa buong kapuluan ilang
daang taon man ang nakalipas. Ngunit, kung ang bawat
isa ay tila isang pader na tumatangging muling
patunugin ang alingawngaw sa panahong dumapo ito sa
kanya, may pag-asa akong hihina at hihina din ang
alingawngaw na ito, hanggang sa tuluyang mawala.